Manila, Philippines – Hinahanapan ng malinaw na plano ng MAKABAYAN sa Kamara ang gobyerno tungkol sa resettlement para sa mga mahihirap.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang budget para sa National Housing Authority ay nasa 2.2 Billion kung saan 1.6 Billion dito ay para sa AFP & PNP housing habang humigit kumulang 6 Million ay para naman sa pabahay sa mga mahihirap.
Giit ni Tinio, napakaliit ng proyekto sa pabahay sa mga maralita na tiyak na apektado sa Build Build Build Program.
Sinabi pa nito na ang gobyerno ay naglaan ng 1 Trillion budget para sa Build Build Build Program ng pamahalaan hanggang sa 2022 pero hindi naman malinaw kung ano ang plano sa mga mahihirap na mapapaalis sa kanilang lugar at matatamaan ng mga itatayong infrastructure projects.
Ayon kay Tinio, dapat inaalam ng DPWH kung ilang pamilya ang matatamaan ng BBB program ng gobyerno at maglatag ng malinaw na plano para sa mga ito.
Tinawag naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus na “Destroy Destroy Destroy” ang Build Build Build Program ng Duterte administration dahil sa mga mahihirap ang masasakripisyo.
Para naman kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi naipaliwanag ng maayos kung anong klase ng komunidad ang pagdadalhan sa mga informal settlers.
Nangangamba si Brosas na matulad sa smokey mountain ang sitwasyon ng mga informal settlers na matatamaan sa malaking proyekto ng gobyerno kung saan gumanda nga ang mga imprastraktura pero napabayaan naman ang mga mahihirap.