Sa susunod na taon ay matatapos na ang pagtatayo ng pabahay para sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013.
Inihayag ito ni Department of Housing and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario sa kaniyang pagharap sa Commission on Appointments (CA).
Ayon kay del Rosario, sa mahigit 37,000 na mga bahay na target ipagawa para sa mga nasalanta ng Yolanda ay nakatayo at tinitirhan na ang 22,380 habang ang natitirang 15,000 ay tatapusin sa susunod na taon.
Bukod dito ay sinabi rin ni del Rosario na sa ikatlong quarter ng taong 2021 ay matatapos na rin ang road network o mga kalsada sa Marawi City na nawasak nang atakehin ito at kubkubin ng mga terorista.
Paliwanag ni del Rosario, naantala ang pag-uumpisa nito noon na National Housing Authority (NHA) ang naging tagapagpatupad ng proyekto.
Samantala, hindi pa napagbotohan ang kumpirmasyon para sa ad interim appointment ni del Rosario.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, Chairman ng Committee on Housing ng CA, sinuspinde muna ang confirmation hearing para kay del Rosario.
Ito ay para mabigyan ng sapat na panahon sa ilalim ng compressed voting procedure gamit ang Zoom kung aaprubahan ba o hindi ang ad interim appointment ni Del Rosario.