Manila, Philippines – Pabor ang Malacañang sa naging rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana huwag magdeklara ng tigil-putukan o ceasefire sa New People’s Army (NPA) ngayong holiday season.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagkausap na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Lorenzana hinggil dito.
Iginiit ni Lorenzana na walang dahilan para magdeklara ng ceasefire sa mga NPA dahil dehado rito ang gobyerno kung saan niloloko lamang nila ang sarili sa tigil-putukan sa NPA dahil pabor lamang ito sa mga rebelde at hindi kailanman sa mga sundalo.
Inihayag pa ng kalihim na sinasamantala ng NPA ang tigil-putukan para makaluwag at magpalakas ng pwersa bago magsagawa ng giyera laban sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Lorenzana, pagkakataon din daw ng NPA ang ceasefire sa Kapaskuhan para bonggang makapagdiriwang sa kanilang anibersaryo ng pagpapahirap sa bansa.