Manila, Philippines – Bukas ang transport group na FEJODAP sa plano ng LTFRB na magkaroon ng isang mekanismo o formula para mabilis na mag-adjust ng pasahe tuwing magalaw ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay Zeny Maranan ng FEJODAP, mas magkakaroon ng isang sistema na madaling makababawi ang mga operator at driver sa nawala nilang kita.
Tugon ito ng FEJODAP sa naging kautusan ng LTFRB na ibalik sa nueve pesos ang minimum na pasahe sa jeep dahil sa sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa world market.
Masama ang loob nina Maranan sa desisyon dahil matagal din nilang ipinaglaban ang fare increase bilang pambawi sa mataas na presyo ng mga spare parts at epekto ng traffic sa kanilang kabuhayan.
Sa katunayan, handa ang kanilang grupo na magbigay ng input sa paglikha ng pre-determine fare adjustments.
Ang formula ay dadaan sa deliberasyon ng isang technical working group na bubuuin ng LTFRB.