Inanunsyo ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na pormal nang kinansela ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng kontrobersyal na Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) community sa Siargao.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Loyzaga na kasunod na rin ito ng paglabag ng SBSI sa probisyon tenurial instrument award na ipinagkaloob ng ahensya noong June 2004.
Ito ay sumasakop sa may 353 hectares sa Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS)sa Surigao del Norte.
Kabilang sa nilabag ng SBSI ay ang pagtatayo ng settlement o kabahayan sa PACBRMA area.
Gayundin ang paglalagay ng checkpoints para pigilan ang pagpasok ng mga non-members sa lugar.
Hindi rin umano nakapagsumite ang SBSI ng annual reports hinggil sa implementasyon ng Community-based Resource Management Plan (CRMP).
Ayon pa sa DENR, noon pang Agosto 2019, kinumpirma ng monitoring and investigation team ng DENR ang pagtatayo ng mga bahay at iba pang residential structures na ipinagbabawal sa CRMP.
Nakipagtutulungan na ang DENR sa Department of Justice (DOJ), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa provincial government para sa integration sa ibang lugar ng mga dating residente sa SBSI area.