PACC, dapat hindi muna isiniwalat ang mga miyembro ng gabinete na iniimbestigahan – Malacañang

Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi muna dapat isinapubliko ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga pangalan ng mga miyembro ng mga Gabinete na kanilang iniimbestigahan.

Matatandaan kasi na sinabi ni PACC Commissioner Atty. Manuelito Luna na iniimbestigahan nila sina Labor Secretary Silvestre Bello III, TESDA Director General Isidro Lapena at si National Commission on Indigenous People o NCIP Chairperson Atty. Leonor Quintayo.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sana ay nabigyan ng pagkakataon ng PACC ang tatlong opisyal na ipaliwanag ang kanilang panig bago maisapubliko ang kanilang pangalan.


Paliwanag ni Panelo, nasira na ang reputasyon ng mga inaakusahan dahil nailantad na sa publiko ang kanilang Pangalan na iniuugnay sa katiwalian.

Sinabi ni Panelo, bilang abogado ay dapat nabigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang mga inirereklamo na ginagawa naman nila sa tuwing nakatatanggap ng complaint.

Kaugnay niyan ay sinabi din ni Panelo na iginagalang nila ang sentimyento ni Secretary Bello na inihihirit ang pagpapatalsik kay PACC Commissioner Manuelito Luna na nagbunyag ng kanyang Pangalan na iniimbestigahan ng PACC.

Facebook Comments