Patuloy ang imbestigasyon ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, sinisilip na nila ang iba pang iregularidad sa ahensya kabilang ang overpriced COVID-19 testing packages at overpriced information and technology equipment.
Sakop ng kanilang imbestigasyon ang nasa 40 PhilHealth officials, kabilang ang board of directors, executive committee at mga nakatalaga sa regional offices.
“Mayroon kaming pending investigation sa PhilHealth, bagamat natapos ang submission sa task force, tuloy ang investigation sa PhilHealth,” sabi ni Belgica.
Sa ₱865.9 million common stock investment scam, sinabi ni Belgica na nakatanggap sila ng alegasyon ng iregularidad tulad ng paglabag sa Charter at paghahatian ng ilang opisyal sa kita nito.
Ang common stock ay binibigyan ang shareholders ng share mula sa profits ng kumpanya sa pamamagitan ng dibidendo at pinapayagan silang maghalal ng board of directors.
Sa ngayon, nangangalap pa ang PACC ng sapat na ebidensya para mapanagot ang mga sangkot na public servant.
Una nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghahain ng kasong administratibo at kriminal laban kay dating PhilHealth Chief Ricardo Morales at iba pang high ranking officials batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng Task Force.