Manila, Philippines – Umapela si Presidential Anti-Corruption Commission o PACC Commissioner Greco Belgica sa publiko lalo na sa mga kritiko na respetuhin ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagkakasibak kay Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.
Ayon kay Belgica, bagama’t hindi sa isyu ng kurapsyon nasibak si Robredo, mahalaga daw sa presidente na may tiwala siya sa isang opisyal.
Sa tingin pa ni Belgica, pinulitika lamang umano ng Bise Presidente ang isang trabahong seryoso o ang pagiging co-chair ng ICAD.
Sinabi rin niya na maaaring nakita ni Pangulong Duterte na hindi alam ni Robredo kung ano ang gagawin nito sa ICAD at hindi rin umano bagay sa kanya ang posisyon.
Matatandaan na sa ilang araw sa pwesto ni Robredo ay mistulang inipit pa umano nito ang gobyerno at ang kampanya laban sa ilegal na droga, kaysa sa mga drug lord.
Sa huli, inihayag ni Belgica na sinayang ni Robredo at ng team nito ang pagkakataong ibinigay sa kanila ng Pangulo para makatulong sa war on drugs ng administrasyon.