Nilinaw ni Senador Manny Pacquiao na hindi siya nakikipag-away kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagbubunyag niya sa umano’y mga katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Katunayan, ayon kay Pacquiao, tinutulungan niya ang pangulo sa hangarin nitong mapuksa ang korapsyon sa gobyerno.
“Ine-expect ko na matutuwa pa ang pangulo instead baligtad po, nagalit pa siya sa’kin at dinepensahan niya yung mga secretary niya. Hindi naman lahat, yung mga secretary niya na involved sa korapsyon. Ang ginagawa lang po namin ay nag-iimbestiga kami in aid of legislation, ginagampanan namin yung trabaho namin,” ani Pacquiao sa programang ‘Kwentong Barbero at iba pa’ sa RMN Manila.
Muli ring iginiit ng senador na hindi siya gumagawa ng kwento sa mga alegasyon niya laban sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of Energy (DOE).
Aniya, may mga lumapit sa kanya at nagbigay ng ebidensya ukol dito.
Tingin ni Pacquiao, may mga taong nagtiwala sa kanyang anti-corruption campaign kasunod ng matagumpay niyang pagpapaimbestiga noon sa Road Board na kalaunan ay na-abolish.
“In-abolish ko po yung Road Board which is redundant sa trabaho sa DPWH at nagiging milking cow siya. And after ng abolition ng Road Board, ito na may mga lumapit na sa akin. May mga nagbigay ng ebidensya ng korapsyon, e anong gagawin ko? Alangan namang manahimik ako? E yan ang obligasyon ko bilang public servant, kailangan kong ipaalam sa taumbayan,” giit niya.
Kaya giit ni Pacquiao, hindi rin tamang sabihin na porket malapit na ang eleksyon ay ngayon lang siya nagbubunyag ng mga korapsyon dahil sa simula pa lamang ng kanyang trabaho bilang senador ay nag-imbestiga agad siya ng mga isyu ng korapsyon.