Binara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alegasyon ni Senator Manny Pacquiao na may 10 bilyong pisong nawawalang pondo ang pamahalaan dahil sa korapsyon.
Sa kanyang Talk to the People address, tinawag ni Pangulong Duterte na “punch-drunk” si Pacquiao dahil sa mga ibinabato niyang alegasyong walang basehan.
Iginiit ni Pangulong Duterte na hindi hahayaan ng pamahalaan na may ganitong kalaking perang mawawala.
Aniya, ang ganitong kalaking halaga ay hindi makakalusot sa Commission on Audit (COA).
“That is a statement coming from a guy who is punch, suntok ba, punch-drunk, lasing. Look it up sa ano ninyo, makita ninyo sa cellphone ninyo. Diyan sa internet diyan,” anang pangulo.
Matatandaang sinabi ni Pacquiao na mayroon siyang mga dokumento na magpapatunay na may nangyaring korapsyon sa pamahalaan.
Partikular ang ₱10.4 billion na halaga ng ayudang bigong naipamahagi sa mga benepisyaryo, na itinanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).