Pacquiao, pinatalsik sa PDP-Laban kasunod ng presidential bid sa ilalim ng PROMDI

Awtomatikong pinatalsik ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Senator Manny Pacquiao matapos nitong ituloy ang pagtakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI.

Ayon kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, ang nasabing hakbang ni Pacquiao ay paglabag sa Section 6, Article VIII ng Konstitusyon ng partido.

Nakasaad dito na ang paghahain ng miyembro nito ng COC sa ilalim ng ibang political party ay isang basehan para siya ay mapatalsik.


Aniya, sinasabi pa ni Pacquiao na siya ay lehitimong Pangulo ng PDP Laban at nagpatawag pa ng sariling National Assembly kung saan tinanggap niya ang pagiging presidential candidate ng partido ngunit tatakbo naman pala sa ilalim ng PROMDI.

Ewan na lang din daw niya kung hindi pa ito matatawag na disloyalty, pagtataksil at pag-abandona sa PDP Laban.

Dagdag pa ni Matibag, patunay din ito na hindi lehitimo ang Pacquiao-Pimentel faction.

Samantala, wala pang komento ukol dito ang kampo ni Pacquiao.

Facebook Comments