Manila, Philippines – Balak ng Commission on Elections (COMELEC) na muling paganahin ang online precinct finder.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para buhayin ang online precinct finder.
Una nang itinigil ang online precinct finder matapos ang “comeleaks” noong 2016, kung saan na-hack at na-expose ang impormasyon ng mga botante.
Pero nanawagan din ang COMELEC sa mga botante na alamin ang kanilang estado.
May mga kaso kasi na wala ang pangalan nila sa listahan ang botante dahil dalawang eleksiyon na itong hindi nakaboto; lumipat ng bahay pero hindi nagpalipat ng rehistro sa kanila; o nagparehistro ito sa dalawa o higit pang lugar.
Sabi naman ni COMELEC Commissioner Luie Guia, pag-aaralan din nila ang mas magandang sistema para sa mga person with disabilities (PWD), senior citizen, at mga buntis.
Target rin ng COMELEC na pahabain ang security cover ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) mula pa lamang sa filing of candidacy (COC).
Samantala, sa Oktubre magaganap ang filing ng COC para sa mga senador, kongresista, at lokal na opisyal na tatakbo sa midterm elections sa Mayo 2019.