Pinasisilip ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon sa Kamara ang kontrobersyal na paglalagay ng Bureau of Corrections (BuCor) ng pader sa gitna ng kalsada sa Southville 3 sa Barangay Poblacion, Muntinlupa.
Sa inihaing House Resolution 1666, hinihimok ni Biazon ang kaukulang komite sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang pader na itinayo ng BuCor at pansamantalang pagsasara ng Insular Prison Road sa New Bilibid Prison Reservation.
Nagsumite rin si Biazon ng liham kay Justice Secretary Menardo Guevarra na humihiling na gibain agad ng BuCor ang pader na nagdudulot ng perwisyo sa mga residente.
Umapela rin si Biazon kay Secretary Guevarra na abisuhan muna ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa lalo na kung may mga plano ang BuCor na makakaapekto sa mga constituents.
Tinukoy ng mambabatas ang isang magulang na nasa Poblacion at kukuha ng module pero kinailangan pang umikot pa-Las Piñas at Bacoor, Cavite na 5 hanggang 7 kilometro ang layo.
Giit ni Biazon, ilegal ang ginawa ng BuCor batay sa Article 694 ng Civil Code, dahil maituturing itong “obstruction” at labag sa “free passage” sa mga pampublikong highway o kalsada.
Nauna naman ikinatwiran ng BuCor na ang paglalagay ng pader ay para sa “security reasons” at pag-iingat laban sa tumataas na mga kaso ng COVID-19.