Pader ng BuCor, ipinabubuwag

Ipinanawagan ng Bayan Muna Partylist na buwagin na ang pader na itinayo ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Insular Road ng New Bilibid Prison (NBP) Compound.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice ay iniapela ng Bayan Muna na gibain na ang pader na malaking sagabal at perwisyo sa mga naninirahan sa Southville 3 ng NHA.

Iginiit dito na hindi ang mga residente ang problema sa security ng bilangguan tulad ng idinadahilan ng BuCor.


Dahil sa problemang pader na ito ay naapektuhan ang pagbiyahe, hanapbuhay at kaligtasan ng mga residente dahil hindi agad makaresponde at makapasok sa lugar ang mga kinakailangang services.

Tinukoy rin sa pagdinig na walang ginawang konsultasyon ang BuCor sa mga residente maging sa lokal na pamahalaan bago ginawa ang pader at isinara ang daan.

Umaasa ang Bayan Muna na magreresulta ang pagdinig ng Kamara sa pagbuwag sa pader upang makadaan na muli ang mga residente ng Southville 3 sa dating kalsada papuntang Poblacion proper.

Facebook Comments