
Dahil sa malakas na buhos ng ulan, gumuho ang bahagi ng pader ng isang private subdivision sa Brgy. Dalig, Antipolo City, Rizal pasado alas-12:30 ng tanghali kahapon, Agosto 24 kung saan isang babaeng sakay ng kotse ang nasugatan sa nasabing aksidente.
Kwento ng asawa ng biktima, pauwi sila galing check-up sa ospital ng kanilang anak nang maramdaman nilang may dumagan sa kanilang sasakyan.
Nagtamo ng head injury at pasa sa kamay ang babaeng biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang bahay.
Samantala, walang natamong sugat ang isang taong gulang na anak ng biktima.
Ngunit dahil sa aksidente, nawasak naman ang kanang bahagi ng sasakyan dahil sa naglaglagang mga debris mula sa gumuhong pader.
Ayon kay Kapitan Loni Leyva ng Barangay Dalig, aabot sa humigit kumulang 20 meters ang haba ng nasirang pader ng subdivision na may taas naman na 10 talampakan.
Sa ngayon ay nailapit na ng barangay sa Antipolo City local government unit (LGU) ang nangyaring aksidente habang bibigyan naman ng kaukulang tulong ang biktima ng pagguho.









