Padre de pamilya ng minasaker sa Bulacan, isasailalim sa lie detector test

Bulacan, Philippines – Masama ang loob ni Dexter Carlos, Sr., ang padre de pamilya ng mag-i-inang minasaker sa San Jose Del Monte, Bulacan noong June 27, sa balak ng Bulacan PNP na isailalim siya sa lie detector test.

Ayon kay Carlos, nakakasama ng loob ang nagiging takbo ngayon ng kaso.

Aniya, hinding-hindi niya magagawang patayin ang kanyang pamilya.


Pero sa kabila nito, tiniyak naman ni Carlos na handa siyang makipagtulungan sa pulisya para sa mas mabilis na ikareresolba ng kaso.

Paliwanag naman ni PNP Central Luzon Director Police Chief Supt. Aaron Aquino, wala silang gustong palampasin sa kanilang imbestigasyon kaya nila ito gagawin.

Batay kasi sa hawak na log book ng PNP, makikitang nag-log in si Carlos sa pinapasukan nitong bangko sa Makati City ng alas-7 ng gabi ng June 26 at nag-log out naman ng alas-5 ng madaling araw ng June 27.

Matatandaang noong umaga ng June 27 (Martes) ay tumambad kay Carlos ang mga labi ng kanyang mag-i-ina at biyenan sa kanilang bahay.

Sa ngayon aniya ay hindi pa nila iniimbitahan si Carlos dahil patuloy pa rin silang nangangalap ng mga ebidensya tulad ng CCTV footage sa bangkong pinapasukan nito at mga testimonya mula sa kanyang mga katrabaho.

Dagdag pa ni Aquino, binibigyan pa nila ng panahon si Carlos na makapagluksa sa pagkawala ng kanyang pamilya.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments