Padre Faura St. sa Maynila, sarado ngayong araw sa mga motorista kaugnay ng gagawing oral arguments ng Korte Suprema sa mga petisyon kontra Anti-Terror Act

Sarado ngayong araw ang Padre Faura St. sa Maynila kaugnay sa gagawing oral arguments ng Korte Suprema mamayang hapon kaugnay ng 37 petitions laban sa Republic Act 11479 o Anti-Terror Law.

Mahigpit din na pinagbabawalan na pumasok sa kahabaan ng Padre Faura partikular sa may harap ng Department of Justice (DOJ) at Supreme Court (SC) ang mga hindi empleyado ng DOJ at SC.

Ang media naman ay kailangang magpakita ng ID para payagang makapasok sa Padre Faura pero ang media vehicles ay bawal pumasok.


Ang mga raliyista naman ay napilitan na lamang na magdaos ng kanilang kilos-protesta sa harap ng UP Campus sa Pedro Gil St.

Sa gagawing oral arguments mamayang hapon, ang bawat kampo ng petitioners at respondents ay bibigyan ng tig-45 minuto para ilatag ang kanilang argumento at ang mga dadalo sa oral argument “physically” ay limitado.

Walong mga abogado at isang counsel mula sa kampo ng petitioners ang papayagan na makadalo, habang sa panig naman ng Office of the Solicitor General ay maaari namang magdala ng tatlo lamang na abogado.

Tiniyak din ng Korte Suprema na mahigpit na ipapatupad ang health protocols sa idaraos na oral argument kung saan ang mga hindi empleyado ng Korte Suprema kabilang na ang media ay kinakailangan na magpakita ng negatibong resulta ng kanilang swab test na ginawa sa nakalipas na 72 hours.

Facebook Comments