Mahigpit na ipapatupad ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang walang padrino system sa recruitment ng PNP katulad nang ipinatupad ni dating PNP Chief at ngayo’y senatorial candidate retired General Guillermo Eleazar.
Ayon sa PNP chief, wala nang pagkakataon para mang-impluwensya ang mga “third parties” sa kasalukuyang sistema na paggamit ng “QR code” sa pag-proseso ng mga aplikasyon.
Ang mga aplikante na nakapasa sa physical at psychological exam ay bibigyan ng QR code na maari nilang gamitin sa pag-track ng progreso ng kanilang aplikasyon.
Giit ng PNP chief, dahil sa “nameless at faceless” ang QR code ng mga aplikasyon ang pagproseso nito ay tanging ibabase sa kakayahan ng mga kandidato para sila makapasok sa PNP.
Babala ng PNP chief, kung meron mang mga ulat ng pang-iimpluwensya sa mga aplikasyon, iimbestigahan ito ng PNP Internal Affairs Service, at mananagot ang mga mapatunayang sangkot dito.