‘Padyak Para sa Kalusugan at Nutrisyon’, Isinagawa sa Lungsod ng Cauayan

Cauayan City, Isabela- Sumasailalim man sa Community quarantine ang Lungsod ng Cauayan ay gumawa pa rin ng paraan ang pamahalaang panlungsod upang makapagsagawa ng outreach program sa mga nasa malalayong barangay na nasasakupan nito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Caesar Dy Jr, nagkaisa ang bawat konsehal sa Lungsod kasama si City Mayor Bernard Dy upang makatulong sa mga Cauayeño ganun din sa kanilang sarili.

Nagsimula aniya ang konsepto ng Padyak Para sa Kalusugan at Nutrisyon noong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na kung saan ay nagkasundo ang bawat konsehal na magsagawa ng proyekto na makakatulong mga Cauayeño ganun din sa kalusugan gaya ng pag-eehersisyo sa pamamagitan ng pagbibisekleta.


Isinasagawa ito sa tuwing araw ng Sabado sa kanilang iniikutang barangay at nagpapakain sa mga bata at senior citizens.

Ayon pa sa konsehal, layunin din ng proyekto na makumusta ng personal ang mga opisyal ng barangay upang malaman kung mayroon silang problema na nais idulog na dapat matugunan ng pamahalaang panlungsod.

Hinihikayat naman ang mga Cauayeño na suportahan ang programa at makiisa sa adbokasiya para sa magandang kalusugan at nutrisyon.

Facebook Comments