Cauayan City, Isabela- Nakatakdang ipagpatuloy sa buwan ng Hunyo ngayong taon ang nasuspindeng eksaminasyon ng mga nagnanais pumasok sa Hukbong Himpapawid ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Col Augusto Padua, pinuno ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Bagamat wala pang eksaktong petsa sa Hunyo ay sinabi ni Col. Padua na itutuloy ang naudlot na pagsusulit noong Marso 13 hanggang 15 ng taong kasalukuyan dahil sa banta ng COVID-19.
Isasagawa pa rin sa ISU Cauayan campus at CSU Carig campus ang eksaminasyon ng Philippine Air Force.
Maaari din aniyang humabol ang mga nais mag-exam basta pasok sa mga qualifications at dalhin lamang ang mga pangunahing requirements.
Tiniyak naman ni Col. Padua na sa gagawing eksaminasyon ay ipatutupad ang mga panuntunan o protocols laban sa sakit na COVID-19 gaya ng pagpila ng mga examinees na may 1.5 meter ang layo sa bawat isa, dapat lahat ay may suot na facemask, susuriin muna ang temperatura bago papapasukin sa loob ng kampo at kanilang titiyakin na may sariling ballpen o lapis ang mga sasailalim sa exam.
Pinayuhan din nito ang mga mag-eexam na paghandaan ang pagsusulit dahil mas magagalak aniya ito kung marami ang papasa na manggagaling sa rehiyon dos.
Ibinahagi pa ni Col. Padua na ang basic salary ng Airman/woman ay pumapatak sa halagang 30k mahigit at hindi pa kasali dito ang mga makukuhang benepisyo.
Nakatakda naman sa Agosto 2020 ang pagsasanay ng sinumang makakapasa sa gagawing pagsusulit.