Nangako si Speaker Lord Allan Velasco na kasama sa isusulong ng Kamara ang modernisasyon ng Philippine Air Force (PAF) kasunod na rin ng nangyaring insidente kahapon na pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu na ikinasawi ng 50 military personnel at aircraft crew.
Kasabay ng pangakong ito ang pakikiramay ng House leadership sa mga pamilyang naiwan ng mga nasawi sa insidente.
Ayon kay Velasco, ang tanging mabibitawan niyang salita ngayon ay tinitiyak niyang isasama ng Mababang Kapulungan sa 2022 national budget ang modernisasyon ng PAF.
Kasama aniya sa modernisasyong ito ang mga aircraft at tamang pagsasanay ng mga tauhan sa paghawak ng mga modernong kagamitan.
Hinikayat din ng speaker ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa insidente upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari sa hinaharap.
Pinare-review din ni Velasco sa PAF ang protocols sa mga piloto gayundin ay pinasisilip ang kaligtasan ng mga runways sa buong bansa partikular sa mga probinsya.