PAF, nag-deploy ng rescuers matapos ang 6.9 na lindol sa Cebu

Agad na rumesponde ang Philippine Air Force (PAF) matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Cebu, noong Martes.

Sa pamumuno ng Tactical Operations Wing Central, mabilis na inilipad ng dalawang S-70i Black Hawk helicopters mula 205ᵗʰ Tactical Helicopter Wing ang mga Army engineer ng 53rd Engineer Brigade patungong Bogo City, Cebu, para magsagawa ng rescue, clearing, at recovery operations.

Bukod dito, isang C-130 cargo plane ng Air Mobility Command ang ginamit upang dalhin ang dagdag na rescuers mula sa 505th Search and Rescue Group kasama ang Humanitarian Assistance and Disaster Response team ng Philippine Army.

Gumamit din ng Black Hawk helicopters ang PAF para sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis at para maghatid ng medical teams, kagamitan, at relief goods sa mga pinakaapektadong lugar.

Nakipagsanib-puwersa din ang 560th Air Base Group at mga tauhan ng Philippine Army para sa mabilisang assessment, search, rescue, retrieval, at pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.

Kasunod nito, tiniyak ng PAF na mananatili silang nakatutok sa misyon na magligtas ng buhay at magbigay ng agarang humanitarian assistance, katuwang ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na opisyal, at mga volunteer.

Facebook Comments