PAF, naghatid ng relief goods sa Batanes

Inilipad ng mga eroplano ng Philippine Air Force (PAF) ang mga family food packs para sa mga naapektuhan nang pananalasa ng Bagyong Egay sa Batanes.

Ayon kay Air Force Public Affairs Office Chief Col. Ma. Consuelo Castillo, ang 1,100 na family food packs ay dinala ng kanilang C130 at C295 aircraft.

Ani Castillo, ang naturang mga food packs ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na laan para sa mga biktima ng bagyo.


Tinanggap naman ang mga ayuda ng Provincial Government of Batanes sa pamamagitan ng kanilang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kung saan agad itong ipinamahagi sa mga apektadong residente.

Maliban dito, 99 na locally stranded individuals (LSI) din ang isinakay ng airforce pabalik ng Metro Manila dahil sa kanseladong mga biyahe ng eroplano.

Kasunod nito, nangako ang PAF na patuloy na aagapay sa ating mga kababayan bilang bahagi ng kanilang commitment na serbisyo publiko.

Facebook Comments