PAF, tumulong na rin sa paghahanap sa nawawalang Cessna plane sa Isabela

Tumutulong na rin ang Philippine Air Force (PAF) sa paghahanap ng Cessna plane na iniulat na nawawala sa Isabela.

Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nakikipag-ugnayan na ang PAF sa Office of Civil Defense (OCD) Region 2, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na siyang namamahala sa search and rescue (SAR) operations.

Ani Col. Castillo, dalawang helicopter ang naka-standby ngayon sa Tactical Operations Group 2 sa Cauayan, Isabela para tumulong sa SAR operations.


Lumipad na aniya ang isa nilang Huey II helicopter kaninang pasado alas-10 ng umaga para magsagawa ng aerial survey pero kinailangang bumalik dahil sa sama ng panahon.

Aniya, lilipad itong muli kapag maganda na ang panahon.

Ang Cessna 206 commercial plane na may sakay na 6 na pasahero ay idineklarang nawawala kahapon matapos mag-take off sa Cauayan City Airport sa Isabela at hindi na nakarating pa sa destinasyon nito.

Facebook Comments