Manila, Philippines – Nagkakamali si Atty. Barry Guttierez sa pagsasabing malabo ang posisyong nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte para kay Vice President Leni Robredo.
Kahapon ay inilabas ng Malakanyang ang dokumento na nagtatalaga kay Robredo bilang co chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs o ICAD hanggang sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sa June 2022.
Sinabi kasi ni Gutierrez, tagapagsalita ni VP Leni Robredo na kwestionable ang sinseridad ng pangulo at mahirap basahin kung seryoso ba ito sa alok kay Robredo, dahil legally speaking ay wala naman aniyang posisyon na co chairman, habang ang unang alok ay gawing anti-drug czar ang bise presidente.
Sinabi ni Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na walang basehan ang pahayag na ito ni Guttierez at walang dahilan para amyendahan ang Executive Order no. 15 na lumilikha sa ICAD.
Ayon kay Panelo, nananatili ang kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-reorganize ng bureaucracy.
Naniniwala naman si Panelo na kapag tuluyang ibinasura ni Robredo ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Duterte bilang anti-drug czar, nangangahulugan na mali ang pahayag ng bise presidente na bigo o palpak ang war on drugs campaign ng gobyerno at gusto lamang talaga nitong bumatikos.