Pag-aalis ng Alert Level System, masyado pang maaga ayon sa DOH

Masyado pang ‘premature’ o maaga para alisin ang alert level system sa bansa.

Ito ang iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III, sa harap ng panukala ng mga negosyante na alisin na ang alert level system para tuluyang makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Katunayan, palagay ni Duque ay malaki pa nga ang naitulong ng alert level system sa pagtaas ng gross domestic product (GDP) ng bansa noong huling quarter ng 2021.


“Unang-una hindi na tayo nagwa-widespread community lockdown, yung mga ECQ, MECQ, GCQ, wala na tayo do’n, nasa mga granular lockdowns na lang tayo, in fact nasa household level na nga lang ngayon,” saad ni Duque.

Dagdag pa niya, mainam na tingnan muna kung talagang hindi na magiging seryosong banta ang posibleng pagpasok ng mga bagong COVID-19 variant bago tuluyang magluwag.

Tiniyak naman ni Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19 na dadahan-dahanin nila ang pagbababa ng alert level system.

Paliwanag ni Herbosa, hindi naman tayo kagaya ng bansang Denmark na mayaman, maliit lang ang populasyon at may magandang healthcare system kaya malakas ang loob nilang mag-alis ng mga restriksyon.

Facebook Comments