Suportado ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pag-aalis ng moratorium sa lahat ng mga bagong mining projects sa ilalim ng Executive Order 130 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Barbers, bagama’t late na ang proposal ay maituturing pa rin itong isang hakbang para sa tamang direksyon sa paniniwalang ang pag-aalis sa ban sa open-pit mining ay magiging “beneficial” para sa bansa.
Aniya, ilang big ticket mining projects ang natengga dahil sa ban na aabot sa $750 million (US Dollars) hanggang $6 billion (US Dollars).
Bukod dito, nabaon din sa utang ang bansa dahil sa pandemya kaya naman malaking tulong ang mining para magkaroon ng kakayahan ang bansa na kumita at matugunan ang mga problemang may kinalaman sa pandemya.
Nilinaw naman ni Barbers na ang pag-aalis sa ban sa open-pit mining ay hindi hudyat ng pagkasira ng kalikasan dahil tinitiyak naman sa proposal ang mahigpit na pagsunod sa environmental measures at tanging lehitimong kompanya lamang ang papayagan na makapag-operate ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Nagbabala naman si Barbers sa lahat ng MGB at DENR na mahigpit nilang babantayan sa Kongreso ang aktibidad sa open-pit mining at ilalantad ang sinumang mang-aabuso upang hindi ito mauwi sa money-making ng ilang mga opisyal.