Pinaiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara ang kahinahinalang pagtanggal ng mga libro sa ilang State Universities and Colleges (SUCs) na pinaniniwalaang naglalaman ng mga “subversive” o mapangwasak na content o nilalaman.
Ang pagpapasiyasat ay nag-ugat sa biglaang pagkumpiska at pagbabawal ng mga subversive na mga libro at dokumento gayundin ang mga communist books sa mga libraries sa Isabela State University (ISU), Aklan State University (ASU) at sa Kalinga State University (KSU) nito lamang Setyembre.
Mismong ang mga pulis at militar ang sumugod sa mga libraries para kunin ang mga libro sa mga nabanggit na unibersidad.
Ang mga libro ay naglalaman ng mga usaping kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at iba pa na patungkol sa reporma, human rights at kasunduan.
Pinaniniwalaan ng Makabayan na ang pagkumpiska sa mga libro ay may halong panunulsol ng NTF-ELCAC.
Dahil dito ay inaatasan ng Makabayan sa inihaing House Resolution 2290 ang pagsasagawa ng joint investigation ng Committees on Higher and Technical Education at Human Rights sa nangyaring insidente ng pag-aalis ng mga libro sa mga libraries ng ilang SUCs na may kaugnayan sa NDFP.