Aminado ang ilang mga jeepney driver na hindi naman talagang masyadong naipapatupad ang “no vax, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Serafin Cayangyang, driver ng pampasaherong jeep kaya naman umano sa pagbabalik ng Metro Manila sa Alert Level 2 at sa pag-aalis ng naturang polisiya, masaya sila dahil pwede na silang magsakay ng kahit sinong pasahero.
Paliwanag pa ni Cayangyang napilitan lang silang sumunod sa “no vax, no ride” policy dahil sinisita umano sila ng mga traffic enforcer.
Giit pa nito, dagdag trabaho lamang para sa kanila na mag-check ng vaccine card ng mga pasahero lalo pa’t may ilang mga pasahero na nagsasabing bakunado na sila pero wala namang maipakitang vaccine card.
Ikinatuwa rin naman ng ilang pasahero ang pag alis ng “no vax, no rid” policy dahil karapatan umano ng isang tao na magdesisyon kung nais nyang magpabakuna at hindi ito dapat na maging sapilitan alinsunod na rin umano sa isinasaad sa ating Saligang Batas.