Pirma na lamang ni Pangulong Duterte ang hinihintay matapos na maratipikahan ng Kongreso ang “Anti-Obstruction of Power Lines Act”.
Layunin ng panukala na tiyakin na walang sagabal at tuluy-tuloy ang distribusyon ng suplay ng kuryente mula sa generating power plants hanggang sa mga end-users gayundin ang mabigyang proteksyon ang integridad at reliability ng mga power lines.
Binibigyang mandato ng panukala na ang power line corridor na nakakasakop sa lupa, air space at ang mga lugar na tinatahak ng mga power lines ay dapat na clear sa anumang power line obstruction na maaaring makasira o makaapekto sa tuluy-tuloy na suplay ng kuryente.
Kabilang sa mga power line obstruction ay mga matataas na puno, mga gusali, at iba pang hazardous improvements at activities na makakaharang o makakaapekto sa suplay ng kuryente.
Ang Board of Electrical Engineering ang siya namang tutukoy sa mga power line obstruction na aaprubahan ng Department of Energy (DOE) salig sa itinatakda ng Philippine Electrical Code.
Ang sinumang lalabag ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at multang aabot sa P50,000 hanggang P200,000 depende sa desisyon ng korte.