Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) na maaari pang mabago ang panuntunan nito sa hindi pagre-require ng COVID-19 vaccination sa mga college student at mga guro na nais lumahok sa face-to-face classes.
Kasunod ito ng pagbatikos ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa naging desisyon ng CHED na tinawag niyang tagumpay ng mga anti-vaxxer.
Depensa ni CHED Chairperson Prospero “Popoy” de Vera, ang pag-aalis nila ng vaccination requirement ay base rin sa ginawa nilang konsultasyon sa mga health expert at pag-aaral sa mga bansang hindi na rin nagpapatupad ng naturang polisiya.
Pero aniya, maaari naman itong mabago depende sa sitwasyon.
“Na-benchmark na natin sa ibang bansa kung ano ang kanilang ginagawa at mataas na ang vaccination rate kaya medyo ligtas na ngayon na isama yung mga hindi vaccinated. Basically, yun ang dahilan kung bakit nag-isyu tayo no’n,” paliwanag ni De Vera.
“Kahit naman, previously, laging merong flexibility ang schools kapag nagbago ang sitwasyon on the ground. Kahit noon meron tayong Alert Level 1, Alert Level 2. Kapag Alert Level 2 ka naging Alert Level 1 ka, bigla mong babawasan yung pwedeng pumasok,” dagdag niya.
Samantala, nakikipagpulong na si De Vera sa mga pamantasan para sa plano nitong maglunsad ng panibagong school-based vaccination sa gitna ng humihinang wall of immunity laban sa COVID-19.