Kinakailangan pa rin ng bansa na mag-angkat ng asukal sa kabila ng pagbibitiw ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) at pagbasura sa Sugar Order No. 4.
Sa ginanap na pulong kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tinalakay nila ang problemang kinakaharap sa importasyon ng asukal at mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka.
Kabilang sa napag-usapan ay ang pangangailangan na makapag-import ng mas maliit na volume ng asukal.
Ayon kay Zubiri na kumatawan sa delegasyon ng mga farmers, millers, sugar workers at refiners, kinikilala aniya nila ang pangangailangan na makapag-import ng asukal para sa industrial at household consumers na aabot sa 150,000 metrikong tonelada.
Aniya, mas mababa ito sa kwestyunableng 300,000 MT sugar importation na unang nilagdaan ng Sugar Regulatory Board (SRB).
Nagrekomenda rin aniya sila ng mga paraan para mapababa ang presyo ng asukal pero ipauubaya na nila sa pangulo ang pag-anunsyo rito.
Mahalaga aniya na nagsama-sama sa isang pulong ang lahat ng mga stakeholders at nakapaglatag sila ng mga kongkretong short term at long term solution sa isyu ng asukal sa bansa.