Nanindigan ang Department of Agriculture (DA) sa kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na mag-angkat ng 400,000 metrikong toneladang baboy ngayong taon.
Nabatid na sinabi ng Pangulo na umaabot sa 84,000 metric tons ang actual pork shortage.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Senator Cynthia Villar, sinabi ni Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura na ang aktwal na shortage ay nasa 150 million kilos o 150,000 metric tons lamang.
Aniya, “dinuktor” lamang ang datos hinggil sa actual pork shortage.
Pero itinanggi ni Agriculture Secretary William Dar ang akusasyon at hindi ito katanggap-tanggap para sa kanila.
Iginiit din ni Dar na mayroon silang batayan para sa Minimum Access Volume (MAV) o volume ng karneng baboy na papayagang angkatin.
Sa datos ng DA, mayroong shortage na nasa 1.6 million metric tons ng karneng baboy ngayong taon habang ang supply ay nasa 1.23 million metric tons – ibig sabihin, kailangang mag-angkat ng 400,000 metric tons.
Para naman kay Edwin Chen, presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines, hindi na kailangang i-adopt ang rekomendasyon ng DA sa pamahalaan na tapyasin ang kasalukuyang tariff rates.
Katwiran ni Chen, kikita pa rin ang importers kahit hindi bawasan ang taripa.