Pag-aangkat ng asukal ngayong taon, aprubado na ng SRA

Inanunsyo ngayon ng Sugar Regulatory Board (SRA) na inaprubahan na nila ang pag-aangkat ng 240,000 metriko tonelada na asukal ngayong taon.

Batay sa inilabas na Sugar Order Number 5, layon ng importasyon ng asukal na matiyak na mayroong sapat na supply para sa mga konsyumer at matiyak na mayroong buffer stock ng asukal.

Ang naturang hakbang ng SRA ay bilang tugon na rin sa naging pinsala ng tagtuyot dulot ng El Niño sa produksyon ng asukal.


Ayon kay SRA Administrator Paul Azcona, makatutulong aniya ito para matiyak ang stable na presyo ng asukal para sa mga mamimili.

Tanging mga lehitimong importer at trader lamang na bumili ng lokal na asukal ng mga magsasaka, kooperatiba at mga lumahok sa pag-i-export ng asukal na umaayon sa World Trade Organization ang papayagan na mag-angkat.

Giit pa ng opisyal na target ng SRA na ma-import ang asukal bandang September 15, sa ngayon ay nanatili pang aniyang sapat ang supply ng asukal.

Inaasahan naman magiging operational ang mga planta ng asukal para makapag-refine pagdating ng Setyembre.

Facebook Comments