Ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ngayon ng buhay na baka at kalabaw mula sa apat na bansa.
Partikular dito ang mga bansa ng Libya, Russia, South Korea at Thailand dahil na rin sa outbreaks ng Lumpy Skin Disease (LSD).
Batay sa inilabas na Memorandum Order No. 06 ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi muna pinapayagan ang pagpasok sa bansa ng buhay na baka at kalabaw, maging ang mga produktong gawa rito tulad ng gatas at milk products, embryos, balat at semen galing sa mga nabanggit na bansa.
Effective immediately ang kautusan ng kalihim kasunod na rin ng report ng World Organization for Animal Health kung saan laganap ang sakit na LSD sa mga baka at kalabaw sa mga nasabing bansa simula pa noong Nobyembre noong nakaraang taon.
Bukod dito, agad din inatasan ni Laurel ang mga opisyal ng DA Veterinary Quarantine Office upang tiyakin ang mahigpit na inspeksyon sa mga dumarating na produkto ng baka at kalabaw sa mga port of entry sa bansa.