Manila, Philippines – Ipinagbabawal na rin ng Department of Agriculture o DA ang pag-import ng karneng baboy at iba pang pork products mula sa Japan.
Ito ay matapos ang ulat ng Japan News of the Yomiuri (Yomuri) Shimbun, na umabot na sa pitong kaso ng African swine flu (ASF) ang naitala sa Japan mula Oktubre ng nakaraang taon hanggang Enero 2019.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, pinakilos na niya ang mga quarantine officers sa mga pantalan at paliparan na harangin ang anumang produkto ng karneng baboy mula sa Japan.
Aniya, pinalalagyan na rin niya ng foot bath ang mga port of entry gayundin ang monitoring sa mga meat products na bitbit ng mga pumapasok sa bansa.
Una nang nagpatupad ng import ban ang DA sa mga pork product mula sa mga bansang positibo sa African swine flu (ASF) kabilang ang China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Ramonia, Russia, Ukraine, Czech Republic at iba pa.