Pag-aangkat ng langis sa mga bansang mas malapit sa Pilipinas, iminungkahi ng isang commuters’ group

Dapat na ikonsidera ng pamahalaan ang pag-aangkat ng langis mula sa mas malalapit na bansa sa Pilipinas gaya ng Brunei.

Ito ang iminungkahi ng National Center for Commuters Safety and Protection (NCCSP) sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng langis.

Ayon kay NCCSP President Elvira Medina, hanggang sa ngayon ay 7% lang ng binibiling oil products ng bansa ang nanggagaling sa Brunei gayong mas mababa ang selling price nila dahil ito ang pinakamalapit sa atin.


“Dapat po i-explore nang mabuti yung pagso-source sa ating mga malapit na kapitbahay. Yun po e isa sa mga pinaka-immediate source na ating pwedeng tingnan,” ani Medina.

Samantala, nanghihinayang din si Medina sa naudlot na PUV modernization na kung naipatupad sana nang maayos ay malaki ang tipid ngayon ng mga tsuper sa gasolina.

“Yun pong traditional jeep natin, kumukonsumo po yan ng 1 litro sa bawat apat na kilometro samantalang yung mga modern jeep, yan po ay kumukonsumo ng 1 litro sa bawat sampung kilometro. Napakalaki po ng deperensya kaya kung ito po ay na-modernize mas maganda at mas maginhawa ang sana ay kalakaran,” dagdag niya.

Bukod dito, iminungkahi rin ni Medina na lumipat ang gobyerno sa paggamit ng ibang source ng enerhiya gaya sa e-vehicle na de charge o umaandar sa pamamagitan ng solar energy.

“May mga probinsya na tulad ng Bataan na nagkaroon na sila ng solar farm kaya ready na rin po sila na maglatag ng tinatawag nating electric vehicle kung saan yung mismong pamahalaan at saka yung cooperative ay magkasamang magsusuplay ng electricity,” saad pa ni Medina.

“Napag-alaman po namin na sa Gensan [General Santos] ay meron nang mga electric vehicle at meron na silang sariling mga recharging station. Yung kanila pong binabayad sa recharging station, P100 per day unli. Can you imagine po ang kaibahan noon per kilometers per liter,” punto pa niya.

Facebook Comments