Pag-aangkat ng manok at poultry products sa Poland, ipinagbawal muna ng DA

Ipinagbawal muna ni Agriculture Secretary William Dar ang pag-angkat ng domestic at wild birds at poultry meat products mula sa bansang Poland.

Kasunod ito ng kumpirmasyon na nagkaroon ng outbreak ng H5N8 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) virus ang nasabing mga hayop doon.

Bukod sa domestic and wild birds at kanilang produkto, kasama ring ipinagbabawal ang pagpasok sa bansa ng day old chicks, itlog at semens.


Sinuspinde na rin ng Department of Agriculture (DA) ang pagproseso, ang evaluation ng application at issuance ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance para sa nasabing commodities.

Ani Dar, lahat ng incoming poultry meat shipments na may inisyung SPS Import Clearance noon o bago ang December 8 ay papayagan pa sa kondisyon na ang frozen poultry meat ay kinatay 21 araw bago nagsimula ang HPAI outbreak bago mag-November 10.

Pagtiyak pa ng DA na lahat ng shipments ay sasailalim sa veterinary quarantine rules and regulations.

Facebook Comments