Pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea, mas dapat tutukan ng gobyerno sa halip na Cha-cha

Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang napaulat na presensya ng dalawang Chinese research vessels sa Benham o Philippine Rise na nasa silangang bahagi ng Luzon.

Nakakabahala para kay Castro ang patuloy na pag-angkin ng China sa ating teritoryo sa bahagi ng West Philippine Sea na napalala pa ngayon ng pagpasok ng Chinese vessels sa “protected food supply exclusive zone” ng bansa.

Bunsod nito ay nananawagan si Castro sa administrasyong Marcos na tutukan ang “incursions” o pag-atake ng China sa West Philippine Sea sa iba pang bahagi ng ating teritoryo sa halip na atupagin ang pag-amyenda sa ating Konstitusyon.


Giit ni Castro, dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang naging aktibidad ng mga barko ng China lalo’t wala pang linaw kung ano ang layunin nito.

Hiling ni Castro sa pamahalaan, manatiling mapagmatyag para maprotektahan ang integridad at maritime rights ng Pilipinas sa harap ng patuloy na pagdami ng Chinese Navy, Coast Guard at fishing vessels sa West Philippine Sea.

Facebook Comments