Pinalakas ang produksyon sa pag-aani ng mga farmers’ association sa Mangaldan matapos ipamahagi ang tatlong yunit ng rice combine harvester na inaasahang magpapabilis at magpapababa ng gastos sa operasyon ng mga magsasaka sa bayan.
Tumanggap ng tig-iisang rice combine harvester ang mga samahan ng magsasaka mula sa Barangay Inlambo, Macayug, at Malabago sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Mechanization Program ng Department of Agriculture – Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.
Ayon sa Municipal Agriculture Office, malaking tulong ang mga makinarya sa pagpapataas ng ani at kita ng mga magsasaka, lalo na’t mula sa dating dalawang araw na manual harvesting ng humigit-kumulang 15 katao ay kaya na itong matapos sa loob lamang ng halos dalawang oras gamit ang rice combine harvester.
Nagkakahalaga ng humigit-kumulang PHP 1.6 milyon ang bawat yunit ng makinarya na layong gawing mas episyente at moderno ang sektor ng agrikultura sa Mangaldan.
Kasabay ng pamamahagi, isinagawa rin ang pagbabasbas sa mga bagong kagamitan, pati na sa mga naunang natanggap na four-wheeled tractor ng ilang asosasyon.
Positibo naman ang pananaw ng mga magsasaka dahil sa patuloy na suportang nagpapalakas sa kanilang kakayahang makipagsabayan sa makabagong pamamaraan ng pagsasaka. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










