Pag-aaral ng Ilang mga Anak ng Dating Rebelde, Sasagutin ng Philippine Army

Cauayan City, Isabela- Makakapag-aral na ng libre ang ilan sa mga anak ng dating rebelde matapos sagutin ng kasundaluhan sa pamamagitan ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng 95th Infantry Salaknib Battalion sa pangunguna ng Commanding Officer na si LTC Lemuel Baduya at ng 1st Cavalry Company, 5th Infantry Division, Philippine Army sa pangunguna naman ng kanilang Commanding Officer na si Captain Romel Cristobal.

Nakapalaoob sa kasunduan ang programa ng RAPIDO Troops ng 1st Light Armored Cavalry Troop Mechanized Infantry, Philippine Army na ang layong makapagbigay ng libreng pag-aaral sa mga kabataang nais mag-aral na hirap pag-aralin ng kanilang mga magulang.

Minabuti nilang ilapit ito sa Salaknib Battalion dahil marami sa mga batang mga anak ng mga dating rebeldeng nagsibalik-loob na kasalukuyang nasa kustudiya ngayon ng nasabing yunit.


Pumili lamang ang 95IB ng tatlong bata na anak ng mga sumuko na may taglay na angking talino at sipag sa pag-aaral.

Ayon kay LTC. Baduya, malaki ang tulong na ito para sa mga anak ng pamilyang nabenepisyuhan ng libreng kagamitan at tulong para sa kanilang pag-aaral hanggang sa sila ay makapagtapos upang maiangat naman ang antas ng edukasyon ng AGTA Community sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Inihayag naman sa pinuno ng 1st Light Armored Cavalry Troop Mechanized na si Cpt. Cristobal, malaki ang kanyang pasasalamat sa mga magulang ganon na rin sa 95IB dahil kanilang natulungan ang mga katutubo na dating kalaban ng pamahalaan.

Sinabi naman sa isang benepisyaryo na si Michael Salazar, anak ng dating NPA, kanyang sinabi na gagawin nito ang lahat ng kaniyang makakaya para makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang kanyang pangarap na maging isang sundalo.

Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng mga kasundaluhan sa mga magulang o miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob na para matamasa ang payapang buhay kapiling ang kanilang pamilya.

Facebook Comments