Pumalag ang pamahalaan sa inilabas na pag-aaral ng Nikkei Asia hinggil sa COVID-19 Recovery Index kung saan lumalabas na kulelat ang Pilipinas.
Sa presscon sa Malakanyang, sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na gumamit ang Tokyo-based news magazine ng seven-day period noong Setyembre kung saan kasagsagan ito ng pagtama ng COVID-19 Delta sa bansa at ito ang ginamit sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay Vergeire, ang bawat bansa ay may kaniya-kaniyang panahon o hindi sabay-sabay kung kailan naranasan ang surge ng COVID-19 Delta variant.
Maliban dito, naka-apekto rin aniya sa vaccination program ng pamahalaan ang pagtaas ng Delta cases dahil maliban sa dami ng kaso ay kakaunti ang suplay ng mga bakuna dahil sa global shortage.
Samantala, sa panig naman ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na base sa pahayag ni World Health Organization (WHO) Country Representative Rabindra Abeyasinghe na hindi dapat madismaya kung tumataas man ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nangangahulugan lamang aniya ito na lumalawak ang ating testing capacity at kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamababang death toll pagdating sa COVID cases.