Pag-aaral sa bisa ng COVID-19 vaccine sa fully vaccinated na Pilipino, sinimulan na

Inumpisahan na ang “immunosurveillance” program para sa fully vaccinated Filipino adults.

Ito ay para malaman kung tumalab o mabisa ang COVID-19 vaccines na binigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) sa bansa.

Ayon kay Vaccine Experts Panel (VEP) Chairperson Dr. Nina Gloriani, ang malawakang pag-aaral ay isinasagawa na sa Philippine General Hospital (PGH) sa pangunguna ni Dr. Regina Berba ng Univerisity of the Philippines (UP) Manila.


“Nag-umpisa nung July 1 ay yung immmunosurveillance nila Dr. Regina Berba. Nag-umpisa na sa PGH, “ ani Gloriani.

“Ano ang ibig sabihin ng immunosurveillance? ‘Yung mga babakunahan, prospective ito, susundan nila ilan ang magkaka antibodies, kahit anong bakuna all over the Philippines, malaking pag-aaral ito,” dagdag pa ni Gloriani.

Aniya, ang pag-aaral ay magtatagal ng 12 hanggang 18 buwan.

Una nang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña na aalamin sa pag-aaral kung gaano kahaba ang maibibigay na proteksyon ng mga bakuna laban sa COVID-19 at mga factors na posibleng makaapekto sa bisa nito.

Facebook Comments