Ongoing pa ang ebalwasyon ng Department of Health (DOH) kaugnay sa pagtuturok ng Moderna vaccine para sa mga batang edad 6 to 11 years old.
Ginawa ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang pahayag matapos na magpalabas kamakailan ang Food and Drug Administration (FDA) ng amended Emergency Use Authorization (EUA) upang pahintulutan na rin ang pagbabakuna ng Moderna vaccine para sa nasabing age group.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Vergeire na batid naman ng lahat na pagkatapos mag-isyu ng amended EUA ang FDA ay may mga proseso pang kailangang pagdaanan.
Kabilang na dito ang pagsasagawa ng Health Technology Assessment para masigurong ligtas ang gagawing pagtuturok ng Moderna vaccine sa mga bata.
Tiniyak pa ni Vergeire na agad silang magbibigay ng impormasyon sa publiko sakaling matapos na ang isinasagawang pag-aaral ng mga eksperto.
Sa ngayon, tanging Pfizer pa lamang ang pinapayagan na maiturok sa mga bata.