Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ng House Committee on Ways and Means ang pagsuspinde sa pagpapataw ng buwis lalo na ang excise tax at value-added tax sa mga produktong langis at petrolyo sa ilalim ng ipinapatupad na TRAIN Law.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Dakila Cua, bukas ang Mababang Kapulungan sa posibilidad na pansamantalang ipatigil muna ang ibang mga buwis na ipinapataw sa mga produkto at serbisyo para matugunan ang problema sa tumataas na presyo sa mga pangunahing bilihin.
Ito aniya ay gagawin sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas.
Paliwanag ni Cua, kung ito ang tama at hinihingi na ng sitwasyon ang pagsuspinde sa mga ipinapataw na buwis sa ilalim ng TRAIN Law ay gagawin ito ng Kamara.
Pero sa ngayon ay titimbangin munang mabuti ito ng Kongreso at kung sakaling ipahinto ang pagpataw ng buwis ay dapat na patas ito sa pagitan ng gobyerno at publiko.
Inaaral din ng komite ni Cua ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue o BIR na irekomenda sa Pangulo ang suspensyon ng excise tax at VAT sa fuel products.