Manila, Philippines – Apat na buwan matapos na ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN Law, muling ipinare-review ni Senator Bam Aquino sa mga mambabatas ang nilalaman ng naturang batas.
Ayon kay Senator Bam, sa isinagawa nilang konsultasyon sa urban poor communities, lumalabas na hirap na ang mga maliliit na pamilya sa biglaang pagtataas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Aniya, noong isinusulong pa lamang ang TRAIN Law, tiniyak ng Department of Finance na nasa 0.7% lamang ang mararamdamang inflation rate sa bansa. Ngunit base aniya sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 4.3% na ang inilobo ng inflation rate sa bansa.
Sapat na dahilan na ito ayon sa senador, upang muling pagaralan ang excise tax na ipinataw sa produktong pretrolyo.
Matatandaan na una nang inihain ng senador ang senate resolution no. 704 na humihikayat sa naaayong senate committee na review-hin ang epekto sa ekonomiya at inflation rate na idinulot ng TRAIN law.