Pinasisiguro ni Pangulong Bongbong Marcos kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na naaasikaso ang mga air passenger na nakaranas ng kalbaryo dahil sa nangyaring problema sa Air Traffic Management System nitong nagdaang Bagong Taon.
Utos umano ng pangulo ayon kay Secretary Bautista sa kanya matapos malaman ang pangyayari sa mga paliparan na ayusin sa lalong madaling panahon ang problema at habang inaayos ang aberya, binigyang diin aniya ng presidente na kailangang matiyak na maayos na naaasikaso ang mga pasahero.
Kaya ang ginawa nila ay nakipag-ugnayan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para maayos ang crowd control, tinipon ang mga kinatawan ng airline companies at sinabihang pakainin ang mga naabalang pasahero.
Maliban dito, sinabihan rin ni Bautista ang mga ito na huwag maningil ng rebooking fees.
Sa ngayon ay gumagana na umano ang lahat ng kagamitan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaya balik na sa normal ang operasyon ng air traffic management sa buong bansa.