Umapela si Senate Minority Leader Franklin Drilon na huwag guluhin o haluan ng kalituhan ang tunay na isyu kaugnay sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto Bank.
Punto ni Drilon, sinadya man o hindi ang pagbangga, ang malinaw ay inabandona ng Chinese vessel sa gitna ng panganib sa karagatan ang mga mangingisda na sakay ng fishing boat.
Diin ni Drilon, ito ay malinaw na paglabag sa obligasyon ng China sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na saklolohan ang sinumang nasa panganib sa karagatan.
Tinukoy ni Drilon na inamin ng Chinese Embassy na umalis ang Chinese boat dahil sa takot na kuyugin ito ng mga bangka ng mga Pilipino na nasa lugar ng maganap ang insidente.
Duda si Drilon sa nabanggit na kwento dahil kung maraming bangka na sakay ang mga Pinoy sa lugar ay bakit isang Vietnamese vessel pa ang nagligtas sa 22 mangingisda.
Binanggit din ni Drilon ang testimonya ng isang Filipino crew na bumalik pa ang Chinese vessel para tingnan ang pinsala na kanilang nagawa pero iniwan pa rin sila sa halip na iligtas.
Giit ni Drilon, sapat itong basehan na may pananagutan ang China sa ilalim ng UNCLOS at iba pang international laws.