Para kay Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin Jr. tinawag niyang ‘felony’ o malalang krimen ang pag-abandona sa mga taong nangangailangan ng tulong sa karagatan.
Ito ay may kaugnayan sa pagbangga ng Chinese vessel sa F/B Gem-Ver 1 lulan ang 22 Pilipinong mangingisda sa Recto Bank.
Ayon sa kalihim – malinaw sa United Nations Convention on the Law of the Seas o UNCLOS na obligasyon ng mga miyembro nito na tulungan ang mga nangangailangan sa karagatan maging kapag nagkaroon ng banggaan.
Ang pagtulong sa mga nangangailangan ay obligasyong kinikilala ng lahat at nakasaad sa batas.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo – kailangang mag-imbestiga ang mga nakabangga.
Pwede ring maghabla sa lokal na korte sa Pilipinas base sa sariling imbestigasyon.
Giit naman ni Senator Panfilo Lacson – maaaring paganahin ng gobyerno ng Pilipinas ang probisyon sa Mutual Defense Treaty (MDT) nito sa Estados Unidos na nagsasabing aakto ang dalawang bansa kapag nagkaroon ng armadong atake sa isa sa kanila.
Pwede aniyang magpadala ang Amerika ng kanilang mga barko na tutulong sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS).
Sakaling paganahin ang treaty, hindi naman ito nangangahulugang gi-giyerahin ng Amerika ang China.