Nananawagan si Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na abandonahin na ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Giit ni Brosas, anti-poor ang programa kaya kung itutuloy ito ni PBBM ay libu-libong mga Pilipino ang tatanggalan niya ng kabuhayan at palalalain din nito ang krisis sa transportasyon sa ating bansa.
Ayon kay Brosas, lumabas sa mga nakalipas na pagdinig ng Kamara na ang PUV modernization program ay nababalot ng kurapsyon at hindi solusyon para maging moderno ang pampublikong transportasyon.
Giit ni Brosas, ilulubog lang ng PUV modernization program sa milyong-milyong pisong pagkakautang ang mga drayber para makabili ng mamahaling modern jeepneys kung saan tanging mga negosyante o korporasyon lang ang makikinabang at kikita ng malaki.
Sabi ni Brosas, tila isang trahedya para sa mga tsuper ng pampasaherong jeep ang programa na magiging ugat ng pagkawala ng kanilang trabaho at mag-aalis ng kanilang pagmamay-ari sa tangi nilang pinagkakakitaan.